Skip Navigation

22 magsasaka, napalayas dahil sa demolisyon at pangangamkam ng lupa sa Zambales

Ang Bayan Ngayon » 22 magsasaka, napalayas dahil sa demolisyon at pangangamkam ng lupa sa Zambales

Hindi bababa sa 22 magsasaka at kanilang pamilya ang napalayas dahil sa demolisyon at pang-aagaw ng lupa sa Purok 3, Barangay Balaybay, Castillejos, Zambales. Iginigiit ng mga magsasaka na pag-aari ni...

Hindi bababa sa 22 magsasaka at kanilang pamilya ang napalayas dahil sa demolisyon at pang-aagaw ng lupa sa Purok 3, Barangay Balaybay, Castillejos, Zambales. Iginigiit ng mga magsasaka na pag-aari nila ang 21 ektaryang lupa na noon pang 1934 ay nililinang na ng kanilang angkan.

Ayon sa mga magsasaka, mayroon silang hawak na Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) para sa lupang inaagaw. Dagdag nila, noong 1991 matapos ang pagsabog ng bulkang Pinatubo ay inianunsyo ng noo’y gobernador ng Zambales na si Amor Deloso na ibinigay sa kanila ang lupain.

Noong Pebrero 23, dumating sa barangay ang isang nagpakilalang sheriff at tim na magsasagawa ng demolisyon. Ilang bahay ang giniba ng mga ito at nagtaboy sa mga magsasaka.

Matapos nito, nanawagan ang tagapagsalita at pangulo ng grupong Buklurang Magbubukid ng Balaybay Castillejos na si Edilberto Tomas na agarang ihinto ang demolisyon. Humiling ang grupo sa lokal na gubyerno at mga ahensya nito na pumagitan para mapag-usapan ang kahingian ng mga magsasaka.

“Sa isang iglap papaalisin kami sa lupang bumuhay sa amin? Sadyang malupit ang mga taong makapangyarihan na kahit pag-aari mo na kayang-kaya nilang kunin sa iyo,” post sa Facebook ng isang residente ng barangay.

Aniya, hindi katanggap-tanggap ang biglaang demolisyon. “Walang mga suot na ID, walang ipinakitang court order, walang representative ng barangay, lokal na gubyerno… at isa pa walang relokasyon!” pahayag niya. Pagtatanong pa niya, “talagang ganito naba ngayon ang ating gobyerno? Wala man lng silang malasakit.”

Sa kasalukuyan, binabantayan ng mga armadong gwardya ang kinamkam na lupa at binigyan ng takdang araw ang mga residente at magsasaka para hakutin ang mga gamit na maisasalba mula sa ginibang mga bahay. Ang mga nademolis na bahay ay nilagyan ng mga istrimer na nagsasaad ng “No trespassing.”

The post 22 magsasaka, napalayas dahil sa demolisyon at pangangamkam ng lupa sa Zambales appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.


From PRWC | Philippine Revolution Web Central via This RSS Feed.

Comments

0